DOrSU, KWF pinagtibay ang ugnayan sa pagsusulong ng wika at kultura

Muling pinagtibay ng Davao Oriental State University (DOrSU) at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang kanilang pagtutulungan para sa pagsusulong ng wikang Filipino, mga katutubong wika, at kulturang Pilipino sa muling paglagda ng kasunduan para sa pagpapatuloy ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK) sa DOrSU.
Sa ilalim ng panibagong kasunduan na nilagdaan noong Setyembre 21, 2026, magpapatuloy ang DOrSU bilang katuwang ng KWF sa pagpapatupad ng mga programa at gawaing nakatuon sa pagpapalaganap ng wikang Filipino, pangangalaga sa mga katutubong wika, at pagtataguyod ng kultura sa mga pamayanan.
Kabilang sa mga gawaing saklaw ng kasunduan ang mga kongreso, kumperensiya, seminar, palihan, gawad, paligsahan, pananaliksik, pagtitipon, at pagtatanghal na may kaugnayan sa wika at kultura. Saklaw din nito ang pakikipagtulungan sa iba pang institusyong pang-edukasyon para sa pagbabahagi ng kaalaman, magkatuwang na pananaliksik, pagsasanay, at iba pang gawaing pangwika at pangkultura.
Nilagdaan ang kasunduan nina Dr. Roy G. Ponce, Pangulo ng DOrSU, at Atty. Marites Barrios-Taran, Tagapangulong Komisyoner ng KWF at kinatawan sa Wikang Tagalog. Sinaksihan ang paglagda nina Dr. Carmelita C. Abdurahman, Kinatawan sa Wikang Waray at Komisyoner para sa Programa at Proyekto, at Dr. Raymund M. Pasion, Direktor ng SWK ng DOrSU.
Bilang bahagi ng kasunduan, patuloy na maglalaan ang DOrSU ng angkop na lugar, kagamitan, kawani, pondo, at iba pang kinakailangang suporta para sa mga programa at gawain ng SWK. Magkakaloob naman ang KWF ng mga pagsasanay at oryentasyon, sanggunian, lathalain, at iba pang materyales na makatutulong sa pagpapatupad ng mga gawaing pangwika at pangkultura.
Dumalo rin sa gawain ang mga kinatawan ng KWF at mga Sentro ng Wika at Kultura mula sa iba’t ibang institusyon sa bansa. Kabilang dito ang mga kinatawan mula sa Southern Philippines Agri-Business, Marine and Aquatic School of Technology (SPAMAST), Davao de Oro State College (DDOSC), Davao del Norte State College (DNSC), at iba pang institusyong katuwang sa pagsusulong ng wika at kultura.
Ang kanilang paglahok ay bahagi ng patuloy na pagpapalawak ng ugnayan ng mga Sentro ng Wika at Kultura para sa pagbabahagi ng kaalaman, pananaliksik, pagsasanay, at magkatuwang na gawaing pangwika at pangkultura.
Sa pagpapatuloy ng SWK, pinalalawak ng DOrSU ang mga gawaing pang-edukasyon, pananaliksik, at pakikipag-ugnayan na naglalayong mapanatili at mapayaman ang wikang Filipino, mga katutubong wika, at kulturang lokal, kasabay ng pagpapalakas ng ugnayan nito sa KWF at iba pang institusyong may kaparehong layunin.


