𝗗𝗢𝗿𝗦𝗨 𝗯𝗶𝗻𝘂𝗸𝘀𝗮𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗕𝘂𝘄𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗪𝗶𝗸𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗺𝗯𝗮𝗻𝘀𝗮 𝟮𝟬𝟮𝟲, 𝗶𝘁𝗶𝗻𝗮𝗺𝗽𝗼𝗸 𝗮𝗻𝗴 𝗙𝗶𝗹𝗶𝗽𝗶𝗻𝗼, 𝗔𝗜, 𝗮𝘁 𝗸𝘂𝗹𝘁𝘂𝗿𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗶𝗹𝗶𝗽𝗶𝗻𝗼

Pormal na binuksan ngayong Lunes, Agosto 3, ng Davao Oriental State University (DOrSU) ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026 sa pamamagitan ng isang programa sa harap ng Bantayog-Wika ng Wikang Mandaya, kung saan itinampok ang kahalagahan ng wikang Filipino, mga katutubong wika, at ang papel ng artificial intelligence (AI) bilang kasangkapan sa pananaliksik, komunikasyon, at pagpapalawak ng kaalaman.
Isinagawa ang programa sa ilalim ng temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon,” na nagbibigay-diin sa patuloy na kahalagahan ng wikang Filipino bilang daluyan ng kultura, kasaysayan, at pambansang pagkakakilanlan sa gitna ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.
Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni DOrSU President Dr. Roy G. Ponce ang kanyang karanasan sa paggamit ng artificial intelligence sa isang paglalakbay sa ibang bansa. Aniya, naging malaking tulong ang AI-powered translation application upang maisalin ang kanyang sinasabi sa wikang nauunawaan ng kanyang mga nakakausap at maisalin din sa kanya ang kanilang mga tugon. Ayon kay Dr. Ponce, ipinakikita ng karanasang ito na ang AI ay maaaring magsilbing mabisang kasangkapan sa pagpapadali ng komunikasyon at pagpapalitan ng kaalaman sa iba’t ibang bansa, kasabay ng patuloy na pagpapahalaga at pagtataguyod sa wikang Filipino at mga katutubong wika.
Nagtipon ang mga opisyal, guro, kawani, at mag-aaral ng unibersidad sa harap ng Bantayog-Wika ng Wikang Mandaya, isang sagisag ng pagpapahalaga sa mayamang wika at kultura ng mga Mandaya. Ang bantayog ay kinikilalang ikatlong Bantayog-Wika sa Pilipinas at kauna-unahan sa Mindanao. Ito ay pinasinayaan noong Hunyo 19, 2018 sa ilalim ng programa ng Komisyon sa Wikang Filipino katuwang ang noo’y Davao Oriental State College of Science and Technology (DOSCST).
Bagama’t hindi naisagawa ang nakatakdang seremonyal na pagpapailaw ng Bantayog-Wika, naging simbolikong pagbubukas ng selebrasyon ang sama-samang palakpakan ng mga dumalo bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa patuloy na pagtataguyod ng wikang Filipino at ng mga katutubong wika.
Sa programa, inilatag din ang mga pangunahing aktibidad na nakahanay para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Kabilang dito ang Linggo ng Musikang Pilipino mula Agosto 3 hanggang 6 sa pangunguna ng Office of Students Culture, Arts, and Literacy (OSCAL); ang Seminar-Workshop sa Wikang Filipino at Artipisyal na Intelihensiya (AI): Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon sa Agosto 12 sa pakikipagtulungan sa Schools Division Office ng Mati City at sa Tanggapan ni Dr. Lanie Laureano; ang Pambansang Tertulyang Pangwika: Sibuwi sa Agosto 26 sa pangunguna ng Sentro ng Wika at Kultura; at ang Larong Pinoy, Pampinid na Programa, at Pista sa Nayon bilang tampok na pagtatapos ng pagdiriwang sa Agosto 27.
Bilang bahagi rin ng programa, kinilala ang mga nagwagi sa patimpalak na Pinakamagandang Kasuotang Pilipino, na naglalayong itampok ang kasuotang Pilipino bilang sagisag ng kultura, kasaysayan, at pambansang identidad.
Kinilala bilang mga nagwagi sina Dr. Edito B. Sumile, Bb. Journie Vicentino, G. Nelson Pastolero, at Bb. Apple Pleños. Ang paggawad ng parangal ay pinangunahan ni DOrSU President Dr. Roy G. Ponce kasama ang mga opisyal ng unibersidad na sina Dr. Roy Padilla, Dr. Emily Antonio, Dr. Lilibeth Galvez, Dr. Raymund Pasion, at Dr. Marevic Lutog.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Dr. Ponce ang buong pamayanang DOrSU na maging aktibong kabahagi sa lahat ng gawaing inihanda para sa Buwan ng Wikang Pambansa. Binigyang-diin niya na bagama’t mahalagang yakapin ang mga makabagong teknolohiya tulad ng artificial intelligence, nananatiling tungkulin ng bawat isa na gamitin ang mga ito bilang kasangkapan sa pagpapayaman ng kaalaman at pananaliksik nang hindi nalilimutan ang pagpapahalaga sa sariling wika, kultura, at pagkakakilanlan.
Nagtapos ang programa sa panawagan sa buong komunidad ng DOrSU na patuloy na isabuhay ang diwa ng Buwan ng Wikang Pambansa sa pamamagitan ng aktibong paggamit, paglinang, at pagtataguyod ng wikang Filipino at mga katutubong wika bilang mahalagang bahagi ng pambansang identidad at instrumento sa pagkakaisa at pag-unlad.


