𝗕𝗮𝗻𝘁𝗮𝘆𝗼𝗴-𝗪𝗶𝗸𝗮 𝘀𝗮 𝗗𝗢𝗿𝗦𝗨, 𝗣𝗶𝗻𝗮𝗶𝗹𝗮𝘄𝗮𝗻 𝗯𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗛𝘂𝗱𝘆𝗮𝘁 𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗴𝘀𝗶𝘀𝗶𝗺𝘂𝗹𝗮 𝗻𝗴 𝗕𝘂𝘄𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗪𝗶𝗸𝗮

Mati City — Pormal nang binuksan ng Davao Oriental State University (DOrSU) ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong taon sa pamamagitan ng seremonyal na pag-ilaw sa Bantayog-Wika sa harap ng Administration Building ngayong araw, Agosto 4.
Pinangunahan ni Dr. Marevic Jean P. Lutog, Program Head ng BSEd-Filipino, ang pagpapakilala at pag-ilaw sa simbolikong estruktura na layuning ipaalala ang kahalagahan ng wika sa pagkakakilanlan ng bawat Pilipino.
“Ang Bantayog-Wika ng Mandaya ay hindi lamang isang monumento,” ani Dr. Lutog, “kundi isang sagisag ng makukulay na kaalaman, kaugalian, at kasaysayan ng mga Mandaya.”
Ibinahagi rin niya na ang nasabing estruktura ay ikatlong Bantayog-Wika sa bansa at kauna-unahan sa Mindanao, na itinayo noong Hunyo 19, 2018, sa ilalim ng programa ni Senadora Loren Legarda at ng Komisyon sa Wikang Filipino, katuwang ang DOrSU.
Nagbigay ng pambungad na pananalita si Dr. Cheryll L. Bautista, Vice President for Academic Affairs. Aniya, “Ito ay hindi lamang isang simpleng pagdiriwang, kundi isang panahon ng paggunita sa ating pagkatao bilang isang sambayanan. At ang bayang may pagpapahalaga sa wika ay bayang hindi kailanman matitinag.”
Binigyang-diin naman ni Dr. Raymund M. Pasion, Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura, ang papel ng mga katutubong wika sa pagpapanatili ng lokal na identidad:
“Nawa’y bilang mga guro, kawani, at mag-aaral ng DOrSU, itaguyod natin ang ating wikang pambansa at mga katutubong wika. Huwag natin ikahiya ang paggamit ng wikang Mandaya, Mansaka, Manobo, o Kagan—sapagkat ang wikang hindi ginagamit ay unti-unting nakakalimutan, hanggang sa tuluyang mawala.”
Nagbigay rin ng mensahe si Dr. Roy M. Padilla, Pangalawang Pangulo ng Unibersidad, bilang pagpapakita ng suporta sa adhikain ng programa. Sa kanyang pahayag, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng wika bilang pamana ng sambayanan:
“Ang ating mga katutubong wika ay hindi lamang mga salita—ito ang puso ng ating pamayanan. Ipamana natin ito sa ating mga anak, hindi lang bilang wika kundi bilang pamana ng tapang, tradisyon, at isang mapayapang kinabukasan.”
Samantala, ipinrisinta ni Hasmera M. Pacio, MAEd, ang mga aktibidad at patimpalak para sa buwan ng selebrasyon.
Sa panapos na pananalita, hinikayat ni Dr. Helina Jean D. Dupa, Dekana ng Faculty of Teacher Education, ang mga mag-aaral na aktibong makilahok sa mga gawain bilang pagpapakita ng suporta sa wikang pambansa. (DOrSU PIO)


