DOrSU, Lumina Foundation nagbuklod para palakasin ang pananaliksik at serbisyong pangkomunidad

MATI CITY, Davao Oriental — Pormal na pinagtibay ng Davao Oriental State University (DOrSU) at ng Lumina Foundation for Integral Human Development / Network of Professional Researchers and Educators, Inc. (LUMINA/NPRE, Inc.) ang kanilang ugnayang pang-akademiko sa pamamagitan ng paglagda sa Memorandum of Understanding (MoU) noong Pebrero 16, 2026, sa seremonyang ginanap sa DOrSU Boardroom at sa pamamagitan ng Zoom.
Nilagdaan ang kasunduan nina Dr. Roy G. Ponce, Pangulo ng DOrSU, at G. Clarence Darro Del Castillo, Pangulo ng LUMINA/NPRE, Inc. Nakasaksi rin sa paglagda sina Dr. Raymund M. Pasion, Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura, at Assoc. Prof. Cristina D. Macascas, Pangalawang Pangulo ng LUMINA/NPRE, Inc.
Sa ilalim ng MoU, nagkaisa ang dalawang institusyon na paigtingin ang kooperasyong akademiko sa pamamagitan ng kolaboratibong pananaliksik, mga programang pang-ekstensiyon, paglalaan ng mga tagapagsalita para sa pagsasanay at gawaing pangpananaliksik, at mas sistematikong koordinasyon para sa mga training at kumperensiya.
Kasama ring dumalo sa seremonya ang ilang pangunahing opisyal ng unibersidad, kabilang sina Dr. Lea A. Jimenez, Pangalawang Pangulo para sa Research, Innovation, and Extension; Dr. Jonathan Cabrera, Direktor para sa Pananaliksik; Dr. Lanie Laureano, Direktor para sa Ektensiyon; at Dr. Jocelyn Arles, Dekana ng Faculty of Teacher Education.
Inaasahang magsisilbing lunsaran ang kasunduan para sa mga proyektong may malinaw na ambag sa kaalaman, pagsasanay, at pag-abot sa komunidad—habang pinalalalim ang ugnayan ng mga katuwang na institusyon sa paghubog ng mga programang nakasandig sa pananaliksik at inobasyon. (Article by John Dave R. Gonzaga, Ailyn Manlabian, and Rey Mark Bonhoc)


