DOrSU Ginawaran ng Dalawang Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura

QUEZON CITY – Ginawaran ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang Sentro ng Wika at Kultura (SWK) ng Davao Oriental State University (DOrSU) ng dalawang Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura 2025, isa para sa institusyon at isa para sa direktor nitong si Dr. Raymund M. Pasion.
Idinaos ang Gabi ng Parangal noong Agosto 19, 2025, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2025 sa Zenith Hall, Luxent Hotel, Timog Avenue, Quezon City. Ipinagkaloob ang parangal sa SWK-DOrSU dahil sa tuloy-tuloy at mahusay na pagpapatupad ng mga programa ng KWF, gayundin sa buong suporta ng pamunuan ng unibersidad na pinangungunahan ni Pangulong Dr. Roy G. Ponce at ng komunidad na katuwang nito.
Kinilala rin si Dr. Pasion dahil sa kanyang pamumuno at matatag na pagsusulong ng mga inisyatiba para sa pagpapalawig ng Wikang Filipino at sa pagpapanatili ng mga katutubong kultura ng pamayanan.
Pinagtibay ang mga parangal nina Komisyoner Carmelita C. Abdurahman, EdD at Benjamin M. Mendillo Jr., PhD, kasama si Atty. Marites A. Barrios-Taran, LLM, MGM, CPA, Tagapangulo ng KWF.
Sa pagkilalang ito, muling pinagtibay ang mahalagang papel ng DOrSU-SWK bilang katuwang ng pambansang komisyon sa pagsusulong ng wika at kultura sa rehiyon at sa buong bansa.